CEBU CITY- Kulungan ang kinasadlakan ng isang sikat na vlogger matapos ireklamo ng pambubugbog ng kanyang kinakasama dahil sa vape na nakita nito sa mga gamit, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng Alcoy Municipal Police Station ang suspek na si Ronie Suan, alyas “Boy Tapang” at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004
Ayon kay Police Capt. Gerry Magsayo, OIC-PNP Chief ng Alcoy MPS, bandang alas-12 ng hatinggabi noong Abril 1, 2025 dinakip ang suspek sa kanilang bahay sa Barangay Daanlungsod, ng nasabing bayan.
Sa reklamo ng biktimang si Cristina Morales, 21, live-in partner na suspek na si Suan, naranasan niya ang matinding pananakit sa huli noong alas-5ng hapon ng Marso 31, 2025.
Aniya, pinag-isipan niyang mabuti ang pagsasampa ng reklamo laban kay Suan at pagsapit ng alas-11 ng gabi ay nagtungo na siya sa naturang himpilan ng pulisya.
Dagdag pa ni Morales, matagal na siyang sinasaktan ng suspek dahil sa pagseselos at naging matindi noong Biyernes dahil lamang sa vape na nakita sa kanyang gamit.
Si Suan ay may 4.8 milyong followers sa Facebook at 2.35 milyong subscribers sa YouTube dahil sa mga matindi nitong stunt na ginagawa gaya ng pagkain ng kabute na tumutubo mula sa mga dumi ng hayop. Mary Anne Sapico