MANILA, Philippines – Arestado ang isang babae na inakusahan ng pagpapanggap bilang isang certified Bureau of Customs (BOC) broker at pagnanakaw ng milyun-milyong piso mula sa kanyang mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakipag-ugnayan umano ang suspek sa dalawang biktima mula sa Ilocos Sur sa social media, na naghahanap ng pambili ng mga tractor head.
Sinabi ng pulisya na nagprisinta umano ito ng kahina-hinalang ID cards na tumutukoy na siya ay lisensyadong BOC broker.
Gayunman, ang suspek at kanyang kasabwat ay hindi na bumalik matapos makolekta ang umano’y bayad.
Bunsod nito, nagreklamo sa pulisya ang biktima kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang MPD Station 13 sa pangunguna ni Commander Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete.
Ayon kay Anicete, aabot sa P1.2 milyon ang naloko ng suspek sa mga biktima.
Dagdag pa, hindi pa narerekober ng awtoridad ang pera ng biktima na pinaniniwalaang nasa kamay ng kasabwat ng suspek.
Dati na rin umanong nambiktima ang 63-anyos na suspek sa isang lalaki sa Caloocan City kung saan natangay nito ang P5.5 milyong cash na pambili sana ng biktima ng kanyang sports car.