CEBU, Philippines – Patay ang isang babae matapos ma-trap ng gumuhong pader sa Cebu City kasunod ng malakas na pag-ulan noong Linggo ng gabi.
Kasama ng 47-anyos na biktima ang kanyang mister, 50, nang gumuho ang kalapit na pader ng bato sa kanilang bahay na gawa sa light materials sa Sitio Calma, Barangay Tisa.
Inabot ng limang oras ang mga rumesponde para iligtas ang asawang nakaligtas sa insidente.
Malamang lumambot ang pundasyon ng pader dahil sa malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan, sabi ng chairman ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office, Councilor Joel Garganera.
Ang lugar ng aksidente ay kinordon para sa isang inspeksyon at imbestigasyon.
Tinitingnan din ng lungsod kung anong tulong ang maibibigay nito sa apektadong pamilya.
Apat pang pamilya ang inilikas kasunod ng insidente.
Sinabi ng state weather bureau PAGASA na nakararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa dahil sa shearline, isang lugar kung saan nagtatagpo ang malamig at mainit na hangin. RNT