MANILA, Philippines – Nakalawit ang isang babae itinuturing na high-value individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng Eastern Police District.
Ang operasyon ay isinagawa dakong alas-3:45 ng madaling araw sa Barangay Nangka, Marikina City nitong Hulyo 15, 2025.
Nasamsam mula sa suspek ang humigit-kumulang 18,100 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may Standard Drug Price na tinatayang P2,172,000.00.
Narekober din ang dalawang pirasong tig-iisang libong pisong marked money na ginamit sa transaksyon.
Ayon sa ulat ng SDEU, ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant kaugnay sa patuloy na pagkakasangkot ng suspek sa bentahan ng ilegal na droga.
Nabatid rin sa record ng pulisya na si alyas “Luna” ay nahuli na rin noong Agosto 2018, kasama ang apat pang indibidwal, sa isang drug operation sa Golden Valle Subdivision, Malanday, Marikina City.
Ang naarestong suspek ay dinala sa Marikina City Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon. Sumailalim rin siya sa medical examination sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. (Maritess Pumaras)