ILOCOS SUR—Hindi nakaligtas sa kalawit ni Kamatayan ang isang babae matapos masagi ng 18-wheeler truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa national highway sa Barangay Poblacion, Sto. Domingo nitong Linggo ng gabi, Mayo 17.
Ayon sa Sto. Domingo Municipal Police Station, ang biktima ay nasa hustong edad at residente ng Barangay Cadanglaan, Magsingal, Ilocos Sur.
Ang Fuso 18-wheeler truck ay minaneho ng 56-anyos na lalaki, biyudo, residente ng San Simon, Pampanga.
Minamaneho ng biktima ang Honda Click 125 motorcycle at bumibiyahe patimog nang aksidenteng masagi ng 18-wheeler truck.
Sa tulong ng mga rumespondeng BFP personnel ay agad na naisugod sa Ilocos Sur District Hospital sa bayan ng Magsingal ang biktima.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending doctor ang biktima.
Tinangkang tumakas ng drayber ng 18-wheeler truck ngunit na-napigilan ito ng mga tauhan ng Bantay Municipal Police Station.(Rolando S. Gamoso)