MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga ilegal na “backdoor exit” scheme sa gitna ng patuloy na pagpapauwi ng mga biktima ng human trafficking mula sa ibang bansa.
Ayon sa BI, ang paalala ay kasunod ng ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) hinggil sa repatriation ng isang 24-anyos na Pilipina na dumating sa bansa noong Marso 23.
Batay sa ulat, ang biktima ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa pamamagitan ng flight mula Hong Kong–Philippines na galing Cambodia.
Sa imbestigasyon, lumabas na umalis ng bansa ang biktima noong Mayo 31 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng bangka mula Tawi-Tawi, at dumaan sa Sabah, Kota Kinabalu, at Kuala Lumpur bago makarating sa Phnom Penh at Bavet sa Cambodia.
Ibinunyag din ng biktima na siya ay na-recruit online sa pamamagitan ng Telegram para sa umano’y trabaho bilang receptionist sa Myanmar na may alok na sahod na USD 900 hanggang USD 1,200.
Ngunit matapos mapilitang magtrabaho bilang “love scam operator” sa loob ng dalawang buwan, siya ay ibinenta sa ibang kumpanya kung saan muli siyang pinilit na magtrabaho sa scam operations sa loob pa ng ilang buwan.
Ayon pa sa ulat, kasama rin ng biktima ang ilang hindi pa nakikilalang mga Pilipino na kapwa dumaan sa ilegal na ruta patungong Myanmar.
Muling iginiit ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang babala laban sa mga ilegal na pag-alis ng bansa, kasabay ng patuloy na banta ng mga sindikato ng human trafficking.
“Ang patuloy na pagpapauwi ng mga biktima ay nagpapakita ng panganib ng mga ganitong scheme. Marami sa mga umaalis sa ilegal na paraan ay nauuwi sa mapagsamantalang kalagayan,” ayon kay Viado.
Binigyang-diin ng BI na ang mga indibidwal na lumalabas ng bansa sa hindi legal na paraan ay mas bulnerable sa exploitation dahil wala silang sapat na proteksyon at tulong mula sa gobyerno.
Sinabi rin ni Viado na patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng ahensya sa iba’t ibang katuwang na institusyon upang palakasin pa ang border control at mas paigtingin ang kampanya kontra human trafficking at illegal recruitment. JAY Reyes