Home METRO BI officer na nagpalusot sa overstaying foreigner sa boarding gate sinibak

BI officer na nagpalusot sa overstaying foreigner sa boarding gate sinibak

MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang isa sa kanyang immigration officer makaraang payagan nito ang isang overstaying na Indian national na tumuloy sa gate nang walang kaukulang immigration clearance sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga.

Nauna rito, inaresto ng BI ang isang overstaying Indian national na kinilalang si Jasbir Singh, 40-anyos, na naharang sa boarding gate ng CIA noong Abril 17 bago siya makasakay sa kanyang flight papuntang Singapore.

Ayon sa BI, ipinakita ni Singh ang kanyang boarding pass na may kasamang immigration departure stamp at emergency travel document na walang BI stamp.

Nakakulong ngayon si Singh sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan siya mananatili habang sumasailalim sa deportation proceedings.

Dahil dito, ni-relieve ni Tansingco ang immigration officer makaraang payagan nito ang nasabing pasahero na tumuloy sa gate nang walang kaukulang immigration clearance.

“He will be facing an investigation for possible cases of grave misconduct and conduct prejudicial to the interest of the service,” ani Tansingco. Tumanggi naman na pangalanan ni Tansingco ang empleyado habang naghihintay ng imbestigasyon sa insidente.

Aniya, bukod sa kanilang border control and intelligence unit (BCIU) na nagsasagawa ng spot checks bilang karagdagang seguridad, pinalakas pa nila ang kanilang off-site monitoring gamit ang CCTV cameras upang agad na maaksyunan ang mga kahina-hinalang aktibidad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng BI, huling dumating si Singh noong Disyembre 9, 2023 at na-admit bilang turista sa loob ng 21 araw. Kaya naman, overstaying na siya sa oras ng kanyang pag-aresto matapos mabigong magpakita ng anumang patunay na na-update niya ang kanyang pananatili. JAY Reyes