HINIKAYAT ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na sumunod sa panawagan ng gobyerno na umalis ng bansa, lalo na ang mga may pamilyang naninirahan na dito.
Hinimok ni BI Spokesperson Dana Sandoval ang mga manggagawa na sundin ang mga regulasyon, upang hindi ma-blacklist at hindi na tuluyang makabalik pa sa bansa.
Sinabi ni Sandoval na inaasahan nilang aabot sa 6,000 manggagawa ng POGO, na na-downgrade na ang mga visa, ang aalis ng bansa hanggang Disyembre 31.
“We keep saying, there is no extension of the December 31 deadline. We expect them to leave the country in the next few days.,” ani Sandoval.
Dapat itigil ng mga POGO sa bansa ang operasyon sa Disyembre 31, sa ilalim ng Executive Order (EO) 74 na nilagdaan ni Marcos noong Nobyembre.
Nabatid na ang nasabing kautusan ay pagbabawal sa Philippine offshore gaming, Internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa bansa. JR Reyes