Home NATIONWIDE ‘Bigas 29’ program ilulunsad Metro Manila, mga piling lugar

‘Bigas 29’ program ilulunsad Metro Manila, mga piling lugar

MANILA, Philippines – Ilulunsad sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya ang programa ng pamahalaan na magbebenta ng mga lumang bigas sa halagang P29 kada kilo lamang.

“Initially po ito ay gagawin lamang sa mga piling lugar at mga KADIWA Centers natin. Pero ang sa amin naman pong pagpupulong sa Department of Agriculture (DA), ang intensyon po nito ay talaga po namang maging nationwide pero kailangan pong i-pilot muna sa mga KADIWA Centers,” sinabi ni National Food Authority (NFA) administrator Larry Lacson sa panayam ng DZBB nitong Sabado, Hunyo 22.

Ang programa na tinawag na ‘Bigas 29,’ ay limitado lamang para sa vulnerable sector katulad ng mga benepisyaryo ng conditional cash transfer program ng pamahalaan, persons with disabilities, senior citizens at solo parents.

Nauna nang sinabi ng DA na makikinabang sa programa ang nasa 6.9 milyong pamilya o 34 milyong indibidwal.

Siniguro naman ng NFA na ang mga lumang bigas na ibebenta ay de-kalidad at dumaan sa inspeksyon.

“Mayroon tayong sinusunod na standard na kapag sinabi mong naka-tatlong buwan na ang bigas, pwede na natin siyang i-consider as aging stock. Pero in reality, tatlong buwan na bigas, hindi po old stock ‘yan. Sa papel lamang natin nasasabi na aging stock ‘yan,” ani Lacson.

“Tsaka po hindi naman kami naglalabas ng bigas sa NFA, whether it’s a regular rice natin na zero to three months or three months above, nang hindi po nasuri,” dagdag pa niya. RNT/JGC