Home HOME BANNER STORY Bigtime rollback sa presyo ng langis, asahan sa susunod na linggo

Bigtime rollback sa presyo ng langis, asahan sa susunod na linggo

141
0

MANILA, Philippines – Isang mas malaking rollback sa presyo ng langis ang maaasahan ng publiko sa susunod na linggo.

Sa katunayan ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang video message, inaasahan na ang presyo ng diesel ay bababa ng mahigit sa P24 kada litro, gasoline ng P3.41, at kerosene ng P2.00, kasabay ng pagtiyak ng Chief Executive sa publiko ng “may ginhawang parating.”

“Batid namin ang sitwasyon ng bawat Pilipino sa panahong ito. Hindi tayo titigil, hindi tayo uurong, at hindi natin hahayaan na ang ginhawang ito ay hindi po makarating sa taong-bayan,” ang winika ni Pangulong Marcos.

“Sa susunod pong linggo, may mas malaking bawas sa presyo ng langis. Dahil dito, bababa ang diesel ng humigit-kumulang P24.94 kada litro, ang gasolina naman ay P3.41, at kerosene ng P2.00,” aniya pa rin sabay sabing “Mas malaki ito kaysa sa rollback noong nakaraang linggo at malinaw ang ibig sabihin nito para sa ating lahat. May ginhawang parating.”

Ipinag-utos din ng Pangulo sa mga kompanya ng langis na ipatupad ang reductions o pagbabawas ng ganap at walang pagkaantala.

“At sa ating mga oil company, malinaw naman ang aking panawagan. Ipatupad ninyo ang rollback ng buo, tama, at walang pagkaantala. Ibigay ninyo sa taong-bayan ang dapat naman na nasa kanila,” ani Pangulong Marcos.

Hinikayat naman ng Punong Ehekutibo ang publiko na i-report ang anumang paglabag sa umiiral na regulasyon at siniguro sa mga ito ang agarang aksyon ng gobyerno.

“At para sa ating mga kababayan, bukas ang ating tanggapan at ang Department of Energy para sa inyong mga reklamo. Kung may paglabag, ipaalam po ninyo sa amin. Kikilos kami kaagad,” anito.

Tinuran ng Pangulo na ang P10 fuel discount para sa public utility vehicles, gaya ng bus at jeepney ay nagpapatuloy, maging ang service contracting program para sa PUV drivers.

“Ang bawat sentimo na ibinababa ay dapat maramdaman ng bawat Pilipino. Alam naman namin kung gaano kahalaga ang oras ng bawat kababayan natin. Ang bawat oras natin ay dapat ginugugol sa ating pamilya, sa eskwela, sa trabaho, hindi po sa nakapila,” tinukoy ng Pangulo.

Samantala, sinabi ng Pangulo na sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng isang moratorium sa driver’s licenses, kabilang na sa student at conductor permits, at maging sa car registrations na nakatakdang mapaso’ ngayong buwan, bilang bahagi ng ‘relief measures’ ng gobyerno.

“Ipapatupad din ng Department of Transportation at Land Transportation Office ang tatlong buwang ekstensyon para sa validity ng mga nag-e-expire na lisensya, student permit, at rehistro ng sasakyan,” ani Pangulong Marcos.

“Halimbawa, kung mag-e-expire ngayong buwan ang rehistro mo, magiging valid pa rin ’yan hanggang July at wala kang babayarang multa o anumang surcharge. Bukod sa driver’s license at sa rehistro, extended din ang validity ng mga student permit at ang mga conductor’s license,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here