Home OPINION BILIS KILOS KONTRA BAHA, RAMDAM SA MAYNILA

BILIS KILOS KONTRA BAHA, RAMDAM SA MAYNILA

1
0

HINDI na kailangang hintayin pang lumubog sa baha ang Maynila bago kumilos.

Ito ang mensaheng ipinapakita ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang agresibong pagtutok sa problema ng pagbaha sa lungsod.

Sa kabila ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat na nagsimula pa noon pang nakaraang linggo, nakaranas man ng pagbaha ang ilang lugar, kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa ilang dating palaging binabaha.

Sa ilang lugar, gutter-deep lamang ang inabot ng baha at mabilis din itong humupa. Malayo ito sa dating sitwasyon na umaabot hanggang tuhod o maging bewang ang tubig tuwing malakas ang ulan.

Kabilang sa mga lugar na karaniwang problema ang baha ang ilang bahagi ng Tayuman, paligid ng Manila City Hall at Ramon Magsaysay Boulevard sa may Pureza, kahabaang ng Taft Avenue at malaking bahagi ng Rizal Avenue.

Para sa mga Manilenyo, malaking bagay ang ganitong pagbabago.

Kung dati ay nangangamba ang mga residente, negosyante at manggagawa sa biglaang pagta tataas ng tubig na pumapasok pa sa kanilang mga bahay at establisimyento, ngayon ay may mga lugar na mas mabilis nang nakakarekober matapos ang malakas na ulan.

Hindi man nangangahulugang tuluyan nang nasolusyunan ang problema, malinaw na may pagbabago at nakikitang resulta ang mga hakbang na isinagawa bago pa man dumating ang malalakas na pag-ulan.

Matatandaang inatasan ni Mayor Isko ang City Engineering Office na tutukan ang paglilinis at pagsasaayos ng mga drainage, estero, mga kanal, at iba pang daluyan ng tubig.

Kasabay nito ang patuloy na inspeksiyon at pagtutok sa mga pumping station ng lungsod, katuwang ang Department of Public Works and Highways o DPWH at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Maging ang mga barangay ay inatasang regular na maglinis sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang pagbabara sa mga kanal, estero at iba pang daluyan ng tubig.

Sa katunayan, tuloy-tuloy pa rin ang obligasyon ng mga barangay na paglilinis sa kanilang nasasakupang lugar tuwing araw ng Sabado, batay sa inilabas na direktiba ng alkalde.

Ito ang konsepto ng “Bilis Kilos”—kumikilos bago pa lumala ang problema.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here