Home OPINION BIR INALIS ANG 5 YEARS eCAR VALIDITY AT PAGGAMIT NG OFFICIAL RECEIPT,...

BIR INALIS ANG 5 YEARS eCAR VALIDITY AT PAGGAMIT NG OFFICIAL RECEIPT, PINAUUBOS!

IPINAPAALAM ni BIR o Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na inalis na ng ahensiya ang five-year validity ng eCAR o electronic certificate authorizing registration na makikinabang ang mga nagbabayad ng buwis.

Ang eCAR ay mayroong bisa hanggang sa presen­tasyon sa ROD o Registry of Deeds. Ito ang nilalaman ng inilabas na Revenue Regulation No. 12-2024.

Nakasaad din sa kautusan na tanging CAR o certificates authorizing registration na inilabas na hindi kaugnay sa eCAR system ang kinakailangang sumailalim sa revalidation.

Sa pamamagitan ng CAR ay pinoproseso ng LRA o Land Registration Authority ang pagpapalit ng nakalagay na may-ari ng lupa matapos ang pagbenta, donasyon at iba pang pamamaraang legal. Nagsisilbi rin itong patunay na ang paglilipat ng titulo ay naiulat at nabayaran ang mga kinauukulang buwis.

Dati rati ay may limang taong limitasyon ang eCAR na kung napapaso ay kinakailangan ang request for re- issuance.
Ipinag-utos din ni BIR Commissioner Romeo Lu­magui, Jr. na imbes hanggang December 31, 2024 ang paggamit ng Official Receipt, papayagan na ang mga taxpayer na patuloy gamitin ang mga Official Receipt hanggang sa ang mga ito ay maubos ng mga business establishment.

Kasabay nito ay pinayagan ang pagsusumite ng Inventory Reports o Notice sa pamamagitan ng electronic mail o email.

Ang mga ito ay nakapaloob sa inilabas na Revenue Regulation No. 11-2024 at Revenue Memorandum Circular No. 66-2024 bilang bahagi ng implementasyon ng EOPT o Ease of Paying Taxes Act.

Ang mga adjustment ay para maging mas kombin­yente sa mga taxpayer. Tumatanggap ang BIR ng mga komento at iba pang mga suhestiyon kaugnay sa EOPT.

Pinagsusumikapan ng BIR na mas mapadali ang re­gulasyon at proseso, at paglalagay ng mga tamang sistema bilang pagsunod sa mandato ng batas.

Para lubusang maintindihan ang EOPT ay nagsagawa ang ahensiya ng EOPT road show sa Metro Manila, Cebu, Davao, Koronadal, at sa Pangasinan.