MANILA, Philippines – Kanselado na ang biyahe ng mga sasakyan pandagat sa Luzon at Visayas dahil sa patuloy na masamang panahon.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), ngayong umaga, Hulyo 28 ay kinansela ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng mga shipping company ang mahigit sa walong biyahe.
Kabilang dito ang dalawang biyahe sa Port of Getafe at isang biyahe sa Port of Ubay na kapwa sakop ng Bohol dulot ng maalong dagat.
Hindi rin pinayagang bumiyahe ang MV Virgen de Peñafrancia Tres Reyes na mula Pasacao, Camarines Sur at patungo sanang San Pascual, Masbate at San Andres, Quezon dahil sa maalong dagat.
Kanselado rin ang biyahe ng mga fast craft ng Montegro Shipping Lines sa Masbate gayundin ang isang barko ng Goldrich Shipping Inc na balikan sana ang biyahe sa Aroroy, Masbate at Pio Duran, Albay.
Gayundin ang biyahe ng Atienza Shipping patungo sanang El Nido galing ng Coron, Palawan
Sinabi ng PPA na nakadepende sa lagay ng dagat kung papayagan na ang paglalayag lalo na ng mga apektadong maliliit na sasakyan pandagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden