Home NATIONWIDE Blockchain-powered ledger inilunsad ng DPWH, BCP sa pagpapatupad ng infra projects

Blockchain-powered ledger inilunsad ng DPWH, BCP sa pagpapatupad ng infra projects

147
0

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Blockchain Council of the Philippines (BCP) nitong Martes, Pebrero 10 ang Integrity Chain Portal — isang blockchain-powered ledger para sa mga transaksyon, kontrata, at pagpapatupad ng mga proyekto ng imprastruktura na may tulong mula sa ibang bansa.

Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon sa opisyal na paglulunsad sa DPWH headquarters sa Maynila, ang Integrity Chain Portal ay magpapadagdag sa transparency portal na nagbibigay-daan sa publiko na subaybayan ang mga proyekto ng ahensya.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang blockchain-powered digital ledger ay nagbibigay-daan sa mga funders at grupo na beripikahin ang mga proyekto ng DPWH.

Ang blockchain ay isang digital database o ledger na nag-iimbak ng data o rekord sa isang network ng mga computer na transparent at hindi mababago, kaya’t hindi ito maaaring manipulahin.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, pumirma ang DPWH at BCP ng kasunduan para sa pagbuo ng Integrity Chain, na naglalayong baguhin ang pamamahala ng imprastruktura sa pamamagitan ng pag-aalok ng real-time public dashboard para subaybayan ang paggastos at progreso ng mga proyekto.

Nagbibigay din ito ng paraan para sa feedback ng mamamayan, pag-uulat ng anomalya, at tamper-proof records upang labanan ang korapsyon.

Ayon kay BCP Chairman Donald Lim, ang ideya ng Integrity Chain portal ay nagmula sa anomalya sa korapsyon ng flood control projects, kung saan ang publiko at pribadong sektor ay humihiling ng transparency sa procurement at pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi ni Lim na ipinapakita ng Integrity Chain kung saan napupunta ang budget, habang nire-record nito online ang bawat hakbang mula sa konstruksyon, bayad, progreso, at estado ng pagpapatupad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here