Home NATIONWIDE Bohol nagluwag na ng border controls sa ASF

Bohol nagluwag na ng border controls sa ASF

MANILA, Philippines – Niluwagan na ng pamahalaang panlalawigan ng Bohol ang border control nito laban sa African Swine Fever (ASF).

Inilabas ni Gov. Aris Aumentado ang Executive Order (EO) na nag-aalis ng mga checkpoint sa Dauis Bridge na nagkokonekta sa Panglao Island patungo sa mainland.

Noong Abril 18 ay inisyu ni Aumentado ang EO na nagpapatupad ng mahigpit na border control matapos na maitala ang mga kaso ng ASF sa tatlong barangay sa Dauis.

Sa nasabing panahon, ipinagbabawal ang pagbyahe ng mga buhay na baboy, mga luto at uncooked pork, pork products at by-products mula Panglao Island patungo sa mainland Bohol.

Sa pinakabagong inisyu na EO noong Mayo 2, sinabi ni Augmentado na wala nang naitalang aktibong kaso ng ASF, 15 araw matapos ang huling positibong kaso ng ASF sa Dauis.

Tinukoy ang Purok 5 ng Barangay Mayacabac at Purok 2 ng Barangay Mariveles bilang “infected premises.”

Tinukoy naman ang Barangay Biking at nalalabing mga purok ng Mayacabac at Mariveles bilang ASF Quarantine Area-Level 2.

Ang mga nasa ASF Quarantine Area-Level 2 ay magkakaroon ng disease surveillance at random blood sample collection para sa ASF testing kasama ang information at education campaigns.

Bagama’t pinaluwag ang border controls, kailangan pa din ng ASF negative test, livestock inspection certificate at barangay certification ang mga baboy na palabas ng Dauis, na nagpapakita kung saan talaga nanggaling ang mga ito.

Kailangan din sumailalim sa ASF rapid testing ang mga kinatay na baboy para sertipikahang ang mga ito ay infection-free. RNT/JGC