Home NATIONWIDE Bong Go, ginunita ang nawalang oras sa pamilya para maglingkod sa bayan

Bong Go, ginunita ang nawalang oras sa pamilya para maglingkod sa bayan

158
0
Si Sen. Bong Go habang kinakapanayam ni Doc Willie Ong.

MANILA, Philippines – Naging emosyonal si Senator Christopher “Bong” Go sa pagbabalik-tanaw sa nawalang oras para sa kanyang pamilya ngunit sinabing nalampasan niya ang naturang panghihinayang sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan.

Naging panauhin si Senator Go ng kapwa health advocate na si Doc Willie Ong sa isang panayam sa Facebook Live.

“Sa totoo lang po, nalulungkot rin ako dahil na-deprive ko po ‘yung anak ko nang 26 years nu’ng panahon ko dahil sa trabaho,” sabi ni Go na nagsilbi kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng magihit 20 taon.

Ayon kay Go, dahil sa kanilang hectic schedule, ang pinaka-miss niya at ng kanyang pamilya ay ang mga hapunan na magkasama.

Buong pagmamalaking binanggit ni Senator Go na ang kanyang anak na nagtapos na summa cum laude ng BS Accountancy sa De La Salle University at Top 3 sa CPA Licensure Exams noong 2019 ay ang class valedictorian ngayong taon sa Ateneo Law School – isang tagumpay na pilit itinatago ng anak.

“Hindi niya sinabi sa akin na valedictorian siya ng klase n’ya. Sa iba ko pa po nalaman. Bisyo ko magserbisyo. Siya, bisyo niya ang pag-aaral. At proud po ako na mayroon po akong anak na matalino,” ang may pagmamalaking sabi ni Go.

Sinabi ng mambabatas mula sa Davao City na ang nagbibigay sa kanya ng fulfillment ay ang pagtulong sa mga mahihirap at marginalized sector.

“Alam mo isang beses lang kasi tayo dadaan sa mundong ito. Bukas hindi natin alam, gano’n lang ang buhay. Wala na. Eh gawin na po natin ang pwede nating kabutihan sa ating mga kapwa Pilipino ngayon,” ani Go na nagsabi pang hindi siya mapapagod sa pagseserbisyo sa publiko dahil ito rin aniya ay paglilingkod sa Diyos.

Sumang-ayon si Doc Willie sa sinabi ni Go sa pagsasabing kilala na niya noon pa ang senador.

“Nakilala ko na siya (Sen. Bong Go) several times. Nag-meet tayo 2018 and every time na nakikita ko si Sen.Bong Go, makikita mo talaga, hindi ito bola, talagang mukhang heartfelt talaga.
Marunong naman akong kumilala ng tao.”

Ayon kay Go, ang pagiging senador ay hindi bahagi ng kanyang plano ngunit naging inspirasyon niya ang serbisyo-publiko na personal niyang nasaksihan mula kay dating Pangulong Duterte.

“Witness po ako doon. Isinugal po niya (Duterte) ang kanyang buhay, sarili. Tinaya niya po ang lahat para po sa kinabukasan ng ating mga anak. And I’m so proud na maging part ng kanyang administration na tinupad po niya ang kanyang pangako,” ayon kay Go.

Sa parehong panayam, binanggit ni Senator Go ang ups and downs ng buhay dahil mayroon siyang bahagi ng mga karanasan sa maraming taon ng dating Pangulo bilang isang politiko.

Sinabi ni Go na mas gusto niya ang mas simpleng buhay na tinatamasa niya ngayon na malayo sa limelight, hindi tulad noong nanunungkulan si dating Pangulong Duterte.

“Mas gusto ko po na nasa tabi-tabi lang po kami. Kung papipiliin mo ako nasa limelight, ayaw ko po. Mas gusto ko nasa tabi at simpleng buhay,” pagtatapos ni Go. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here