Home NATIONWIDE Bong Go naghain ng panukala para sa national fertilizer at pesticide subsidy...

Bong Go naghain ng panukala para sa national fertilizer at pesticide subsidy program

267
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senator Christopher “Bong” Go ng Senate Bill No. 681 na layong magtatag ng National Fertilizer and Pesticide Subsidy Program sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) upang mas mapalakas ang suporta sa mga magsasaka.

Sa kanyang panukala na tatawaging National Fertilizer and Pesticide Subsidy for Farmers Act of 2025 kapag naisabatas, layon nitong mapababa ang gastusin sa produksyon, mapataas ang ani, at manatiling kompetitibo ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng banta ng peste at epekto ng pagbabago ng klima.

“Magtulungan at magmalasakit tayo sa isa’t isa lalo na sa mga mahihirap nating kababayan na isang kahig isang tuka. Importante na happy ang ating mga magsasaka. Sikapin nating walang magutom na Pilipino at walang maiiwan sa ating pagbangon,” ani Go.

Ayon sa senador, napakahalaga ng abono at pesticide sa pagpapanatili ng food security at kalidad ng ani. “Without the aid of pesticides, over half of global crops would be vulnerable to destruction from pests and diseases,” dagdag pa niya, sabay banggit sa global data na nagpapakitang 26 hanggang 40 porsyento ng ani taun-taon ang nasisira dahil sa peste at sakit sa halaman.

Nakasaad sa panukala ang direktang pagbibigay ng subsidy vouchers sa mga kwalipikadong magsasaka: hindi bababa sa P6,000 kada ektarya para sa abono at P2,000 kada ektarya para sa pesticide taun-taon. Tutukuyin ng DA at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) ang eksaktong halaga batay sa kondisyon ng merkado.

Sakop ng programa ang mga Pilipinong nasa tamang edad at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).

Binigyang-diin ni Go na makikinabang hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati ang mga konsyumer. “By institutionalizing fertilizer and pesticide subsidies, the government will provide much-needed support to reduce production costs and improve yields, helping local farmers remain competitive,” aniya.

Dagdag pa niya, makakakuha ang publiko ng mas abot-kayang dekalidad na produktong agrikultural kapag naisabatas ang panukala.

Si Go ay co-author ng RA 11901 o Agriculture, Fisheries, and Rural Development Financing Enhancement Act of 2022 at co-sponsor ng RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act. Bukod dito, nagsulong din siya ng SBN 680 na naglalayong magtayo ng post-harvest facilities at SBN 673 na nagmumungkahi ng libreng crop insurance para sa maliliit na magsasaka. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here