MANILA, Philippines- Muling nanguna si reelectionist Senator Bong Go, katabla si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo sa senatorial race para sa 2025 midterm elections, batay sa commissioned survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan.
Ang survey na inisponsoran ng Stratbase Consultancy, ay nagsiwalat na sina Go at Erwin Tulfo ay nagtabla sa 1st hanggang 2nd place na may 42% voters preference.
Sina broadcaster Ben Tulfo at dating Senate President Vicente ”Tito” Sotto III ay sumunod sa 3rd at 4th place na may 34% bawat isa.
Sinundan sila ng reelectionist senators na si Lito Lapid sa 5th place na may 33% at Bong Revilla sa 6th place na may 32%.
Si Senador Pia Cayetano, na naghahangad din ng panibagong termino, ay tumabla kay dating Senador Ping Lacson sa ika-7 hanggang ika-8 puwesto na may tig-31%.
Si reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ay nasa ika-9 na puwesto na may 30%, sinundan ng TV host na si Willie Revillame sa ika-10 puwesto na may 28%.
Nagtabla sina Makati City Mayor Abby Binay, dating senador Manny Pacquiao, at Las Piñas Rep. Camille Villar sa ika-11-13 na puwesto na may tig-27%.
Ang mga sumunod sa top 13 candidates ay sina: dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa ika-14 na pwesto (24%); dating Senador Bam Aquino sa ika-15 puwesto (21%); Senador Imee Marcos sa ika-16 na puwesto (19%); ang aktor na si Philip Salvador sa ika-17 puwesto (18%); dating kalihim ng panloob at lokal na pamahalaan na si Benhur Abalos Jr. sa ika-18 puwesto (17%); dating Senador Gregorio “Gringo” Honasan II sa ika-19 na puwesto (15%); at Senador Francis Tolentino sa ika-20 puwesto (13%).
Gumamit ng face-to-face interview sa 1,800 rehistradong botante na may edad 18 pataas sa buong bansa, isinagawa ang survey noong Marso 15-20, 2025.
Mayroon itong sampling error margin na ±2.31% para sa pambansang porsyento, ±3.27% para sa Balanse Luzon, at ±5.66% bawat isa para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT