MANILA, Philippines – Itinuturing ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga guro na tunay na bayani at gabay ng kabataan bilang tagapagturo at tagahulma ng mga magiging pinuno ng bansa.
Ginawa ni Go ang pahayag sa pagpapakita niya ng suporta sa mga magiging guro nang personal niyang daluhan ang Ultimate Final Coaching series ng Dr. Carl E. Balita Review Center para sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

“Edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan at ang kabataan ang pag-asa at future leaders ng ating bayan,” ang palaging idinidiin ni Go.
Sa kanyang pagharap sa humigit-kumulang 5,000 future teachers sa huling yugto ng licensure exam, hinimok sila ni Go na manatiling matatag sa kanilang dedikasyon bilang mga tagapagturo.
“Sa ating LET takers, kayo ang kinabukasan ng ating edukasyon. Alam kong hindi madali ang inyong pinagdaanan—mga puyat, pagod, at walang katapusang aralin. Ngunit laging tandaan, lahat ng hirap na ito ay magbubunga ng isang mas makulay na bukas,” ang talumpati ni Go.
Kasabay ng pagdiriwang ng World Teachers’ Month, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa pagbuo sa bansa at sa paghubog sa kabataan na siyang kinabukasan ng ating bayan.







