Home NATIONWIDE Bong Go sa mga nasunugan sa Tondo: Ipaglalaban ko ang kapakanan n’yo

Bong Go sa mga nasunugan sa Tondo: Ipaglalaban ko ang kapakanan n’yo

63
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya at pagtaas ng mga gastusin, muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na palaging nakasaklolo sa panahon ng krisis matapos niyang personal na pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga nasunugan sa Tondo, Maynila noong Miyerkules, Mayo 6.

Bumisita si Go sa mga apektadong komunidad upang alamin ang lawak ng pinsala at personal na suriin ang kalagayan ng mga bakwit sa sunog. Tiniyak niya na ang suporta sa kanila ay makararating sa nangangailangan.

Sa kanyang pagbisita, binigyang-diin ng senador na mas mahalaga ang kaligtasan sa sunog. Aniya, ang materyal na bagay ay madaling palitan, ngunit ang buhay ay hindi.

“Mahirap po ang panahon ngayon. Mahal ang bilihin, tumataas ang gasolina at krudo, pati na ang kuryente. Kaya mahalaga po na magtulungan tayo. Kami naman sa gobyerno, bilang mambabatas, patuloy ko pong susuportahan ang mga batas na makakatulong sa mga mahihirap,” sabi ni Go.

“Kaso po sa Senado, isang boto lang po ako. Bente kwatro po kami. I-explain ko lang po sa inyo na iba po ang Senado sa Executive Department… pero kahit isang boto lang po ako, ipaglalaban ko po ang kapakanan ninyo. Sa abot po ng aking makakaya, tutulong po ako,” dagdag ng senador.

Idinaos ang relief activity sa Emilio Jacinto Elementary School sa Tondo, Maynila, kung saan may kabuuang 405 pamilya mula sa Barangay 91, 92, at 93 ang nakatanggap ng tulong mula kay Go at sa kanyang grupo.

“Full support po ako sa ating mga barangay officials. Parati ko kayong ipaglalaban,” sabi ng senador.

Sa pakikipagtulungan sa gobyerno, ang tulong sa pabahay ay ipinagkaloob din upang matulungan ang mga pamilya na muling maitayo ang kanilang mga tahanan at makabangon mula sa sakuna.

Bilang vice chairperson ng Senate committee on health, binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng accessible na mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, partikular sa mahihirap na pasyente..

“Napakahalaga po sa akin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Ang Malasakit Center ay para sa Pilipino—para sa inyo po ‘yan. Karapatan po ‘yan ng bawat Pilipino,” aniya.

Ang Malasakit Centers program, na naisabatas sa ilalim ng Republic Act No. 11463, ay one-stop shop para matulungan ang mahihirap na pasyente na mabawasan ang mga gastusin sa ospital. Sa kasalukuyan, may 167 Malasakit Centers sa iba’t ibang panig ng bansa na nakatulong na sa mahigit 17 milyong mahihirap na Filipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here