Home NATIONWIDE Bong Go, tumulong sa mga biktima ng bagyo sa Maynila

Bong Go, tumulong sa mga biktima ng bagyo sa Maynila

96
0

Matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Carina, agad kumilos si Senador Christopher “Bong” Go para mabigyan ng agarang suporta ang mga biktima.

Bumisita si Go sa mga apektadong pamilya sa Barangay 519, Zone 51, Sampaloc, Maynila noong Huwebes at nangakong makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang mabilis at epektibong tulong para sa mga naapektuhan ng bagyo.

“Alam n’yo, iyan po ang aking ipinangako sa inyo. Kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, pupuntahan ko kayo basta kaya po ng aking katawan at panahon,” sabi ni Go.

Nagpasalamat ang senador sa lokal na pamahalaan ng Maynila, sa pangunguna nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, at mga opisyal ng Barangay 519, sa pangunguna ni Barangay Captain Joan dela Cruz at dating Barangay Captain Carlo dela Cruz sa kanilang mabilis na pagtugon at pagtulong sa mga apektadong pamilya sa lugar.

Umaabot sa 400 apektadong pamilya ang nakatanggap ng mga grocery pack, de-latang paninda, meryenda, bitamina, masks, at kamiseta mula mismo kay Go. May mga piling tumanggap din ng basketball, volleyball, at sapatos.

Sa kanyang pagbisita, napansin ni Senator Go si Ricardo Mendoza na basang-basa ang sapatos dahil sa baha. Naantig sa sinapit ni Mendoza, agad hinubad ng senador ang sariling sapatos at ibinigay sa kanya.

Habang pinaiigting ng gobyerno ang pagtulong sa mga binagyo, nangako si Go na sa kanyang personal na paraan at abot ng makakaya ay tutulong siya sa mga biktima ng bagyo.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 188. Ang panukalang batas ay layong palakasin ang disaster risk reduction, emergency preparedness, at response capabilities ng bansa. Titiyak din ito sa mabilis na pagbangon pagkatapos ng kalamidad.

Samantala, nag-alok din ng tulong si Go sa mga posibleng nasugatan sa bagyo at mga indibidwal na may iba pang problema sa kalusugan sa pamamagitan ng Malasakit Centers na matatagpuan sa lungsod.

May mga Malasakit Center na matatagpuan sa Tondo Medical Hospital, Philippine General Hospital (PGH) na binisita niya noong araw ding iyon, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Hospital, at San Lazaro Hospital. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here