Home ENTERTAINMENT Bonggang lifestyle interview ni Sylvia, naglutangan

Bonggang lifestyle interview ni Sylvia, naglutangan

265
0

Manila, Philippines — Parang tiniyempo ang muling pagpapalabas ng feature story tungkol sa pamilya Atayde ngayong dawit si Quezon City First District Representative Arjo Atayde sa mga maanomalyang flood control project.

Isa ang pulitikong aktor sa inginuso ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya bilang kabilang umano sa mga nakinabang sa mga kontrata ng DPWH.

Kasabay nito, naiulat na sakop ni Arjo ang kontrobersyal na pumping station sa Matalahib Creek sa kanyang distrito.

Ayon sa ulat, itinanggi ni Arjo kay QC Mayor Joy Belmonte na may basbas mula sa kanya ang proyektong dati na niyang ni-reject. Wala rin daw siyang kaalaman tungkol dito.

Lumabas din ang ulat tungkol sa umano’y pagpapasauli ni Curlee ng P60 milyon kay Arjo bilang “testing” sa mga pulitikong umano’y gumamit at nakinabang sa kanila.

Bukod kay Arjo, dawit din ang ama niyang si Art na tumanggap umano ng P60 milyon mula sa mga Discaya.

Mariing pinabulaanan naman ni Arjo ang mga paratang, at sinabing hindi niya kailanman ginamit ang kanyang posisyon “for his personal gain and never will.”

Sa gitna ng usapin, tila may mga taong gustong ipitin ang pamilya Atayde.

Ito’y matapos lumutang muli ang mga dating panayam kay Sylvia Sanchez, ina ni Arjo at asawa ni Art. Viral ngayon ang hiwa-hiwalay na interviews nina Korina Sanchez at Karen Davila.

Sa panayam ni Korina, makikitang nag-jet ski si Sylvia bago magsimula ang mismong interview sa kanilang magarang bahay sa labas ng Metro Manila. Lulan din ng chopper si Korina upang makarating sa destinasyon kung saan niya tinagpo si Sylvia.

Samantala, ibinida naman ni Sylvia ang ipinagawang bahay nila sa panayam ni Karen. Inaasahang matatapos ito ngayong taon. Makikita ang tatlong palapag na estruktura na may apat na silid sa ikalawang palapag at dalawa pa sa ground floor.

Bukod dito, may kanya-kanyang bahay din ang lahat ng anak ng mag-asawang Atayde — magkakalapit lamang ang mga ito.

Sinisilip ngayon ang motibo sa likod ng pagpapalabas ng mga nasabing past interviews, na umano’y may layuning ipitin si Arjo kaugnay sa kanyang diumano’y pagkakasangkot.

(Ronnie Carrasco III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here