MANILA, Philippines – Ibinigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Boracay Bridge Project sa San Miguel Holdings Corporation na pinamumunuan ni Ramon S. Ang matapos maglabas ng Notice of Award noong Marso 25, 2026.
Ayon sa dokumentong pirmado ni DPWH Secretary Vivencio Dizon, inaprubahan ng gobyerno ang rekomendasyon ng Public-Private Partnership Bids and Awards Committee para sa proyekto na magdudugtong sa Boracay Island at sa bayan ng Malay sa mainland.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P7,780,548,897.82 at saklaw ang financing, design, construction, operation, at maintenance sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program ng gobyerno.
Ayon sa DPWH, kailangang sumunod ang San Miguel Holdings sa mga post-award requirements sa loob ng 20 araw, kabilang ang pagsusumite ng signed notice of award, performance security, at pagbuo ng special purpose company (SPC).
Kailangan din nilang magpasa ng mga dokumento tulad ng SEC registration, audited financial statements, tax clearance, at proof ng financing mula sa mga financial institutions.
Babawiin ang award at makukumpiska ang bid security kung hindi makumpleto ang mga requirement sa takdang panahon. Ang concession agreement ay dapat ding mapirmahan sa loob ng limang araw matapos makumpleto ang requirements.
Sa kabila nito, may pagtutol mula sa lokal na pamahalaan ng Malay na nagsasabing posibleng magdulot ito ng environmental risks, overdevelopment, at panganib sa sustainability ng Boracay.
Matagal nang may kontrobersiya ang proyekto dahil sa mga alalahanin ng environmental groups, local officials, at indigenous Ati community, habang iginiit ng mga tagasuporta na makakatulong ito sa transportasyon, kalakalan, at emergency response.
Patuloy pa rin ang diskusyon sa proyekto kahit umuusad na ito sa susunod na yugto. RNT/MND