Home NATIONWIDE ‘Boy Dila’ nangingiyak na humingi ng tawad sa harap ni Mayor Zamora

‘Boy Dila’ nangingiyak na humingi ng tawad sa harap ni Mayor Zamora

MANILA, Philippines – Nangingiyak na humingi ng paumanhin ang nag-viral na lalaking residente na tinawag na ‘boy dila’ dahil sa kanyang magaspang na pag-uugali sa nagdaang Wattah, Wattah Festival sa San Juan City.

Sinabi ng 21-anyos na lalaki na gusto niyang personal na humingi ng paumanhin sa delivery rider na pinagbabasa niya ng water gun na nakunan ng camera at naging dahilan ng pagbabanta sa kanya online.

“Lalong lalo na po sa rider, humihingi po ako ng tawad sa inyo. Gusto ko po kayong makita, sa personal, gusto ko po humingi ng paumanhin po,” ayon sa tinaguriang ‘boy dila’ kasama si Mayor Francis Zamora.

“Sa mga nagbabanta po sa akin….nai-stress na rin po. Kung ano na lang din po ang lumalabas na pagbabanta sa akin, lalong lalo na sa pamilya ko, huwag niyo naman po sana idamay,” aniya pa.

Sinabi ni Zamora na handa siyang ayusin ang paghaharap ng lalaki at ng hindi pa nakikilalang rider. Dagdag pa niya, bibigyan din ng lalaki ng helmet at kapote ang rider bilang peace offering.

Bagama’t aminado siya na dismayado siya sa ikinilos ng residente noong kapistahan, inamin ni Zamora na wala siyang ginawang paglabag sa ordinansa ng lungsod sa pagsasagawa ng water activities tuwing pista.

“Specifically yung kanyang ginawa na pagbabasa gamit ang water gun at pagdidila, kung tutuusin walang violation ito. Kahit sa batas, kinonsulta natin sa ating mga abogado…Wala kasing paglabag sa anumang batas,” ani Zamora.

Ngunit sinabi ng alkalde na nasa delivery rider at iba pang posibleng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

“It is up to the rider, kung sakaling gusto niyang mag-file ng kaso. Choice po ng rider ‘yan. Hindi lang yung rider kung mayroon pang ibang naperwisyo si —-, kung ito ay mapapatunayan base sa mga CCTV o sa mga viral videos, option na po yan ng mga taong ito kung magfa-file sila ng kaso,” dagdag pa ng alkalde. RNT