CAGAYAN- Nasa 106 na paaralan mula elementarya hanggang high school ang naapektuhan sa hagupit ni bagyong Goring at labis na napinsala ang Licerio Antiporda National High School sa bayan ng Buguey matapos hawiin ng ipo-ipo ang bubong nito.
Ayon kay Rueli Rapsing, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nakapagtala sila ng 4,346 na pamilya o 14,214 indibidwal mula sa 21 bayan na naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
Halos 6,000 indibidwal ang lumikas sa mga evacuation center bunsod ng pagtaas ng tubig-baha sa kanilang mga lugar.
Samantala, sinabi naman ni LANHS principal Nimfa Alagao, school principal suspendido ang mga klase sa lahat ng antas at ang mga mag-aaral ay bibigyan na lamang ng modules.
Samantala, sa Barangay Camalaniugan, ilang ektarya naman ng palayan ang nasira at naging lawa na ito habang nawasak naman ang isang bahagi ng tulay sa Barangay Sto. Nino at hindi madaanan.
Sa Benguet, nagsasagawa na ng paglilinis ang lokal na pamahalaan para ligpitin ang mga malalaking bato sa hangganan ng Baguio at bayan ng Tuba.
Pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang rutang Kennon Road dahil sa mga pagguho ng bato.
Nagsagawa rin ng clearing operations sa Claveria-Calanasan Road sa Apayao dahil sa pagguho ng lupa sa Abra-Kalinga Road na natabunan ng makapal na putik at ilang sasakyan naman ang nahatak matapos lumubog sa putikan. Mary Anne Sapico