BULACAN, Philippines — Patuloy na binabaha ang ilang bahagi ng Bulacan, kabilang ang Barangay San Miguel sa Calumpit, kung saan nananawagan ang mga residente na tapusin na ang mga flood-control project na hindi pa natatapos mula noong nakaraang taon.
May mga residenteng nananatili sa kanilang binahang bahay habang ang iba ay lumikas sa mga pansamantalang evacuation center.
Dahil sa pag-apaw ng Pampanga River, napilitan ding lumikas ang mga residenteng nakatira malapit dito.
Ayon sa provincial government, patuloy ang koordinasyon nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga hindi natapos na flood-control project.
Sinabi ni Vice Governor Alexis Castro na nasa 600 flood-control projects sa Bulacan ang natengga.
“Nagpatawag tayo ng hearing sa Sangguniang Panlalawigan. Ano ang balak ng DPWH? Kasi maraming projects sa Bulacan ang hindi natapos. hindi na relief [goods] ang kailangan ng tao. Ang kailangan na ng mga kababayan natin ay solusyon,” ani Castro.
Sa ngayon, isang lungsod at pitong bayan ang patuloy na apektado ng baha: Malolos City, Calumpit, Bocaue, Pulilan, Balagtas, Guiguinto, Hagonoy, at Paombong.
Inatasan din ng provincial government ang mga rural health unit na maghanda ng mga gamot, kabilang ang doxycycline, bilang pag-iingat laban sa mga sakit na maaaring idulot ng matagal na pagkababad sa baha.
Sa ngayon, wala pang naiulat na kaso ng mga sakit na maaaring makuha sa kontaminadong tubig tulad ng leptospirosis, athlete’s foot, at dengue, ayon sa provincial government. RNT/MDS