MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagtaas ng aktibidad ng Bulusan Volcano sa Sorsogon, na nananatili sa Alert Level 1.
Ayon sa ahensya, 72 volcanic earthquakes ang naitala mula hatinggabi ng Oktubre 11, karamihan ay volcano-tectonic quakes na sanhi ng pagbitak ng bato sa lalim na wala pang 10 kilometro sa hilagang bahagi ng bulkan.
Napansin din ng PHIVOLCS ang mahinang pagbuga ng gas at sulfur dioxide na umaabot sa 31 tonelada kada araw, na nagpapahiwatig ng mababaw na hydrothermal activity.
Nagbabala ang ahensya na maaaring magkaroon ng biglaang steam-driven o phreatic eruption “nang walang babala.” Ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone, habang pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa loob ng 2-kilometrong Extended Danger Zone sa timog-silangan.
Pinayuhan din ang mga residente na gumamit ng protective mask laban sa abo, iwasan ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan, at magbantay sa posibleng lahar at sediment flow lalo na kapag malakas ang ulan. Santi Celario