COTABATO CITY- DUGUAN bumulagta sa kalsada ang isang babaeng buntis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek sa gilid ng kalsada, kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Jacquelyn Petiza, 30, buntis, at taga Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Batay sa report ng Cotabato City Presinto 2, bandang 11:00 AM ng Miyerkules naganap ang krimen sa tapat ng isang gate sa San Isidro St., Rosary Heights 10, ng naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar ng bigla sumulpot ang mga suspek sakay ng motorsiklo.
Bumunot ng baril ang angkas ng motorsiklo at binaril sa ulo ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon bitbit ang .9mm kalibre na armas na ginamit sa krimen.
Sa ngayon, inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa pagdakip sa mga ito./Mary Anne Sapico