AYON kay Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, umabot sa P450 bilyon ang isiningit ng mga mambabatas sa P6.352 trilyon pambansang badyet para sa 2025 at P25B dito ang vineto ni Pangulong Bongbong Marcos.
Malaking bahagi umano ng P450B ang inilaan sa kontra-bahang mga proyekto at sa rekord, umabot ito sa P350B.
Kaugnay nito, mismong si Pang. Bongbong ang nagsasabing nasa P350 bilyon naman ang kinulapulan ng pagnanakaw o korapsyon sa mga kontra-bahang proyekto sa nakaraang tatlong taon niyang panunungkulan mula Hulyo 2022 hanggang hulyo 2025.
Tanong lang, magkano naman kaya ang isiningit noong 2023 at 2024?
Wala kasing nagsasabi nito, mga Brod, at tanging si Bonoan pa lang ang nakapagbanggit nito.
Pero ang malinaw, mga dambuhalang halaga na buwis ng taumbayan ang inilaan ng mga mambabatas o sabihin na lang natin, ng ilang taga-Palasyo rin, para kanilang pagkakitaan.
Sinasabi nating posibleng may mga taga-Palasyo rin dahil mismong mga Secretary ng mga departamento na katulad ni Bonoan at iba pang pinuno ng mga ibang ahensya ang nagpapanukala ng nilalaman ng National Expenditure Program o NEP na posibleng may interes at dinaragdagan naman ng mga mambabatas sa bisa ng insertion o paningit.
KAWAWANG MGA KONTRAKTOR
Sa mga araw na ito, ang mga kontraktor ang lumilitaw na pinagdidiskitahan sa mga imbestigasyon sa kontra-bahang mga proyekto, kasama na ang mga kontraktor na nauugnay o pag-aari ng mahigit 67 mambabatas, taga-DPWH at lokal na opisyal, kasama ang mga gobernador at mayor.
Hindi ang mga mambabatas o mga batang Palasyo gaya ng mga kalihim at iba pang matataas na opisyal.
Kawawa sila dahil sa salitang divestment kung nauugnay sila sa mga sari-saring matataas na opisyal ng bayan, kasama ang ilang nasa local government unit at mismong Commission on Audit.
Dahil sa divestment o pagbibitiw nila bilang mga may-ari o kasosyo ng mga kontraktor, nakapaghuhugas-kamay sila.
Isa pa, malaking rason, lalo na sa parte ng mga mambabatas, na hanggang turo-turo na may kasamang paglalaan lang ng pondo ang kanilang trabaho.
Nasa kamay na umano ng katulad ng DPWH at mga kontraktor at sub-kontraktor ang paggawa ng ghost project, substandard at putol-putol na proyekto na pawang idinideklarang tapos na at napatunayang nasa maayos na kondisyon.
Pero hindi lang sila kawawa dahil bukod sa ma-blacklist sila, sila pa ang makukulong at hindi ang mga matataas na opisyal ng bansa.
BUWAYA SA ITAAS, BUWAYA SA IBABA
Malinaw na malinaw na may mga buwaya sa hanay ng matataas ng opisyal.
Kasama na rito ang mga undersecretary, regional director at district engineer.
Pero alam ba ninyong pati maliliit na opisyal o empleyado katulad ng releasing officers ng bayad sa mga kontraktor o pondo sa proyekto, eh, buwaya rin?
Anak ng tokwa, kung happy sila sa mga galanteng kontraktor, itinatawag na agad sa telepono ang availability at release ng pondo ng proyekto at bayad sa accomplished project.
Ang maliliit na kontraktor na barya-barya lang ang kayang ibigay o hindi makapagbigay dahil lugi, pudpod na ang sapatos ng mga ito sa kapa-follow-up, sinasabihan pang “wala pa, eh.”
Bakit naman kasi binitay ang parusang bitay!






