Home TOP STORIES Camille Villar nanawagan ng mas matibay na seguridad sa mga paaralan at...

Camille Villar nanawagan ng mas matibay na seguridad sa mga paaralan at pinalawak na suporta sa mental health matapos ang pamamaril sa Tacloban

2
0

MAYNILA — Nagpahayag si Senator Camille Villar ng matinding kalungkutan at pag-aalala kaugnay ng trahedyang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pa. Nanawagan ang senador ng agarang at magkakaugnay na hakbang upang higit na maprotektahan ang mga batang Pilipino sa loob ng mga paaralan.

“Bilang isang ina at bilang senador, labis akong nasasaktan sa nangyaring trahedyang ito. Walang magulang ang dapat makatanggap ng balitang ang anak na pumasok sa paaralan upang mag-aral ay hindi na makakauwing muli. Nakikiisa ako sa panalangin at pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi, sa mga sugatang estudyante, sa kanilang mga kaklase, mga guro, at sa buong komunidad ng Tacloban sa gitna ng napakahirap na panahong ito,” ani Villar.

Binigyang-diin ng pinakabatang senador ng ika-20 Kongreso na ang mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar kung saan malayang nakapag-aaral at nangangarap ang mga kabataan nang walang takot sa karahasan.

“Habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon, mahalagang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng insidenteng ito. Ngunit kasabay nito, hindi natin maaaring hintayin na may susunod pang trahedya bago tayo kumilos”, dagdag niya.

Nanawagan din si Villar sa Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, mga law enforcement agencies, at mga administrador ng paaralan na muling suriin at palakasin ang umiiral na mga patakaran sa kaligtasan sa paaralan, mga alituntunin laban sa bullying, counseling services, at mga intervention program para sa mga kabataang nangangailangan ng agarang gabay at suporta.

“Kailangan nating palakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, komunidad, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agencies. Ang responsibilidad ng pagprotekta sa ating mga anak ay hindi maaaring nakaatang lamang sa iisang institusyon. Nangangailangan ito ng isang whole-of-government at whole-of-community approach,” ani Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here