Home METRO Cancer control ordinance sa QC aprubado na

Cancer control ordinance sa QC aprubado na

99
0

Ganap nang ordinansa ang Quezon City Integrated Cancer Control Program na isinulong ni dating three-term Congressman at ngayo’y City Councilor Alfred Vargas.

Ito ay matapos lagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-3285, S-2024 o Quezon City Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO).

“Ang QCICCO ay isang landmark public health policy na nagtataguyod ng isang whole-of-government at whole-of-society approach sa cancer control. Sa pag-akda at pagsulong nito, kinikilala nating kailangang pagsama-samahin ang iba’t ibang sektor upang matugunan ang sakit na ito,” ani Vargas.

Ayon kay Vargas, inuugnay ng QCICCO ang mga mandato at kakayahan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan tulad ng Persons with Disabilities Affairs Office, Social Services Development Department, at iba pa, habang pinapalakas pa ang kapasidad ng City Health Department.

Sa ilalim ng ordinansa, magkakaroon ng cancer control coordinators, cancer patient navigation and referral system at local cancer registry ang Quezon City na makakatulong para maitulay ang mga pasyenteng may kanser sa kinakailangang panggastos sa pagpapagamot.

Ang ordinansa ay hango rin sa Republic Act No. 11215 o National Integrated Cancer Control Act (NICCA) na siya ring inakda ni Vargas sa Kongreso.

“Marami pa ring Pilipino ang hindi nakakaalam sa mga benepisyo ng NICCA tulad ng Cancer Assistance Fund at iba pang funding sources. Inuugnay ng ordinansa natin ang mga nangangailangan sa pondong magagamit nila,” dagdag ni Vargas.

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, pumapangalawa ang kanser bilang sanhi ng kamatayan sa bansa na may 10.4% share sa total deaths noong 2023.

“Malaking hamon ang nais nating lutasin sa pamamagitan ng QCICCO, kaya’t nagpapasalamat tayo sa suportang ipinakita ni Mayor Joy Belmonte sa paglagda ng panukalang ito at ng buong konseho,” pahayag ni Vargas.

Pinasalamatan din ni Vargas ang Department of Health at ang mga naging katuwang niya sa pagbabalangkas ng ordinansa.

“Simula pa sa NICCA, malaki na ang naging papel ng NGOs tulad ng Cancer Coalition Philippines at Philippine Cancer Society sa ating advocacy as a cancer control champion. Ang mga tagumpay natin tulad ng ordinansang ito ay salamin ng pagdadamayan at malasakit natin sa ating kapwa,” ani Vargas.

“No one should feel hopeless because of a cancer diagnosis. Hindi dapat death sentence ang sakit na ito. Sa pamamagitan ng QCICCO, unti-unti nating ibinabalik ang pag-asa sa mga may kanser at kanilang mga pamilya,” dagdag ni Vargas. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here