TEHRAN, Iran – Pinaputukan ng US military ang engine room ng isang Panama-flagged cargo ship na umano’y nagtangkang lumabag sa blockade ng Amerika sa mga pantalan ng Iran.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM), isang US Navy MH-60 helicopter ang nagpaputok ng missiles at nagpahinto sa M/V Vela Nova matapos balewalain ng sibilyang tripulante ang paulit-ulit na babala ng mga puwersang Amerikano.
Sinabi ng CENTCOM na ang barko ay “is no longer transiting to Iran in violation of the US blockade.”
Ito na ang ikatlong pagkakataon na sapilitang pinatigil ng Estados Unidos ang isang barko mula nang ibalik ang blockade sa mga pantalan ng Iran noong Hulyo 14.
Ayon sa CENTCOM, 55 barko na umano’y nagtangkang lumabag sa blockade ang na-divert na, habang dalawa pa ang na-board hanggang Martes.
Nauna nang nagpatupad ang US ng blockade sa mga pantalan ng Iran mula Abril 13 hanggang Hunyo 18, kung saan siyam na barko ang pinahinto at mahigit 140 ang na-divert.
Iginiit ng Iran na dapat wakasan ng Estados Unidos ang blockade bilang bahagi ng mga kondisyon nito upang muling buksan ang Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng langis at gas.
Samantala, muling sinabi ni US President Donald Trump na kontrolado ng Estados Unidos ang nasabing kipot.
Aniya, “We have total control over the Hormuz Strait right now. They don’t have control. We have total control. We own it.” RNT/MDS