Home NATIONWIDE Carpio: Duterte ‘di na presidente, lusot na sa ‘gentleman’s agreement’

Carpio: Duterte ‘di na presidente, lusot na sa ‘gentleman’s agreement’

MANILA, Philippines- Hindi na maaaring magsampa ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa umano’y “gentleman’s agreement” niya sa China dahil hindi na siya isang public official, ayon kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio nitong Biyernes.

“Unfortunately, wala na siya sa position ngayon. He’s not a government official. Kasi impeachable ‘yan, no? Culpable violation of the Constitution. Eh, hindi na siya presidente, hindi na siya ma-impeach,” pahayag ni Carpio.

Tinanong si Carpio kung maaari pang kasuhan si Duterte dahil sa umano’y kasunduan, na humarang umano sa pagdadala ng bansa ng repair materials sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Tanging pagkain at tubig lamang umano ang maaaring dalhin sa mga sundalo sa nasabing teritoryo.

Nang kunan ng komento, sumang-ayon si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na maaaring ma-impeach ang isang dating Pangulo.

“In any case, thats a foreign policy decision of which the President is chief architect. Courts will never interfere,” wika niya.

Matatandaang sinabi ni Carpio na ang kasunduan ay “disguised surrender” ng karapatan sa exclusive economic zone (EEZ) sa bansa.

“Nakalagay doon sa arbitral award, ‘yung Ayungin Shoal is part of the EEZ of the Philippines. Kapag EEZ natin, tayo lang pwedeng maglagay ng estruktura… Ang tibay ng hawak natin. Bakit pinamigay niya? Kasi kapag sinabi mong hindi mo na i-repair, mawawala ang outpost,” giit ni Carpio.

“Kaya talagang dehado tayo doon. Talagang it’s against national interest,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Carpio na maaaring hamunin ng Philippine government ag China sa tribunal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sakaling magtayo ang huli ng naval base sa EEZ ng Pilipinas. Teresa Tavares