MANILA, Philippines – Ayon kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, hindi na kailangang ilahad ang eksaktong coordinates ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, dahil nakasaad na ito sa international law.
Ginawa niya ang pahayag matapos ang debate nina Senators Francis “Kiko” Pangilinan at Rodante Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea. Tinukoy ni Marcoleta na walang malinaw na coordinates ang EEZ at nagbigay babala sa publiko sa mga pahayag na may kinalaman sa China at Scarborough Shoal.
Paliwanag ni Carpio, ang karapatan ng isang coastal state sa continental shelf ay naroroon agad dahil sa soberanya ng bansa sa lupa. Ang territorial sea at continental shelf, kung saan matatagpuan ang EEZ, ay natural na extension ng teritoryo ng bansa. Ito ay ayon sa prinsipyo ng international law na “the land dominates the sea.”
“A coastal state has an inherent right to its continental shelf, without need of any formality, announcement, proclamation or occupation. There is, therefore, no need to proclaim the coordinates of the outer limits of a coastal state’s EEZ,” dagdag niya.
Ang kailangang ipahayag lamang ay ang coordinates ng baselines ng archipelagic state, na nakumpleto na ng Pilipinas sa pamamagitan ng RA 9522.
Marami na rin ang nagtama sa pahayag ni Marcoleta, kabilang si Pangilinan, na nagpaliwanag na malinaw na pinagtibay ng batas at arbitral award ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at walisin ang nine-dash-line claims ng China. RNT/MND