Home HOME BANNER STORY Cayetano, hinamon si Gatchalian ng pulong sa isyu ng Senate leadership

Cayetano, hinamon si Gatchalian ng pulong sa isyu ng Senate leadership

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senator Alan Peter Cayetano si Senator Sherwin Gatchalian na magpulong upang resolbahin ang usapin kung sino ang lehitimong lider ng Senado.

“I’ll offer you a solution, Senator Win. Mag-meeting tayo. May naiisip akong solusyon. Mahirap humanap ng solusyon kung sino ang tunay na Senate president kasi ’yung tatlong libro na hawak ko ay nagsasabing ang legitimate Senate president ay ’yung nahalal ng 13,” ani Cayetano sa isang Facebook livestream.

Ayon kay Cayetano, ang tinutukoy niyang tatlong libro ay ang Konstitusyon, Rules of the Senate, at Bibliya. Giit niya, kailangan ng 13 boto upang maihalal ang Senate president at iba pang opisyal ng Senado.

Ang pahayag na ito ay kahalintulad ng posisyon ni Senator Loren Legarda, na nagsabing 13 boto rin ang kailangan para sa pagpili ng mga opisyal ng Senado.

Samantala, iginiit ng kampo ni Gatchalian na legal ang kanyang pagkakahirang matapos ideklara ang quorum noong Hunyo 3 sa pagdalo ng 12 senador, batay sa interpretasyon ng desisyong Avelino v. Cuenco.

Sinabi rin ni Gatchalian na may suporta ang kanyang posisyon mula sa Integrated Bar of the Philippines, mga law dean, dating Senate presidents, at iba pang legal experts.

Nagbabala rin si Cayetano kay Gatchalian na huwag umanong magpagamit sa Malacañang o sa kanyang mga kasamahan kapalit ng mataas na posisyon.

“Mag-ingat si Sen. Win kasi maganda naman ang future niya. Huwag kang magpagamit sa Malacañang at doon sa mga kasamahan mo kahit binibigyan ka ng high position,” ani Cayetano.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na kinikilala nito ang liderato ni Gatchalian bilang acting Senate President.

Samantala, pinabulaanan ni Panfilo Lacson ang mga alegasyon ni Cayetano at iginiit na hindi na kinikilala ng Executive Department, House of Representatives, IBP, mga law dean, at dating Senate presidents si Cayetano bilang Senate President.

Sa social media, sinabi ni Lacson: “Ang taong walang ebidensya at sandigan sa batas kaya nagigipit, sa Facebook Live na lang kumakapit.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here