Home NATIONWIDE Cayetano nabahala sa pagtaas sa 8% dropout; 40% pagkabansot ng mag-aaral sa...

Cayetano nabahala sa pagtaas sa 8% dropout; 40% pagkabansot ng mag-aaral sa BARMM

1
0

MANILA, Philippines – Matinding ikinabahala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang patuloy na pagtaas ng bilang ng dropouts na umabot na sa 8% at pagkabansot na 40% sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) base mismo sa datos ng Department of Education (DepEd).

Sa pagsisimula ng budget briefing ng DepEd, napansin ni Cayetano na tumataas ang bilang ng kabataan na humihinto sa pag-aaral bukod sa paglobo ng datos sa nababansot na kabataan sa rehiyon.

Dahil dito, hinimok ni   Cayetano nitong Biyernes ang DepEd na gumawa ng mas matibay at mas malawak na hakbang upang matugunan ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga nag-eenroll sa paaralan sa Pilipinas at ang kaugnayan nito sa pagkabansot ng bata sanhi ng malnutrisyon.

Binigyang diin niya ang kalagayan kung saan malaking hamon ang mataas na bilang ng mga batang humihinto sa pag-aaral at   batang nakakaranas ng pagkabansot na pawang nakakaapekto sa edukasyon, kalusugan, at paglaki ng bata.

“Sa BARMM, 8% ang dropouts. If you look at the stunting rate, lumalagpas ng 30% at halos umaabot ng 40% sa BARMM. Tapos you look at the dropout rate, it’s a recipe of disaster in the next 5 to 10 years in BARMM,” sabi ni Cayetano sa pagdinig nitong October 16 sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd).

Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang reporma sa edukasyon at hakbang upang matugunan ang pagkabansot ng bata sanhi ng malnutrisyon.

Ipinaliwanag ng senador ang kondisyong ito — na dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon sa mga unang taon ng buhay — ay maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa pisikal na paglaki, kakayahang mag-isip at matuto, at kakayahang magtrabaho at maging produktibo sa hinaharap.

Dagdag pa rito, ang mga hadlang sa pag-aaral ay maaaring maglimita sa mga oportunidad ng bata na umunlad at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Kinikilala ni Cayetano na may mga limitasyon ang pambansang pamahalaan sa pakikialam sa usapin sa BARMM dahil sa awtonomiya o kapangyarihan ng rehiyon na pamahalaan ang sarili nitong gawain.

Gayunman, binigyang diin niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa awtoridad sa rehiyon at iba pang katuwang upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng bata roon.

“I do know that there is a limitation on what we can do given the autonomy (of BARMM), but I do know that they are always looking for partners… Highest din kasi sila (BARMM) sa stunting and illiteracy. Not only is this a recipe for poverty and future problems, but also for extremism especially with their trauma pa from the Marawi siege. There are certain things, like work, (that) you can skip. But this (dropping out) is different,” aniya.

Ikinuwento rin ni Cayetano ang isang programa ng pamahalaan noon kung saan bumaba ang bilang ng mga batang humihinto sa pag-aaral matapos silang mabigyan ng libreng uniporme at notebook.

Dahil dito, hinimok niya ang DepEd na magpatupad ng katulad na special project para sa BARMM.

Ipinahayag din ni Cayetano ang kanyang pag-aalala sa pagbawas ng pondo para sa school-based feeding program o programang nagbibigay ng pagkain sa mga mag-aaral sa paaralan. Mula P25 bilyon, ibinaba ang pondo nito sa P11.43 bilyon sa General Appropriations Bill nitong 2026.

Tinanong niya si Education Secretary Sonny Angara kung paano maipagpapatuloy ang mga hakbang laban sa pagkabansot ng mga bata dahil sa malnutrisyon sa kabila ng panukalang pagbawas sa pondo, lalo na para sa mga batang nangangailangan ng sapat na nutrisyon.

“I believe your father (the late Senator Edgardo Angara) was one of those who, like my father (the late Senator Rene Cayetano), pounded it into our heads that if we keep doing the same thing and expecting different results, it won’t happen. But what our parents pounded into us is that sometimes you have to have a radical change,” aniya.

Binanggit din ni Cayetano ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga nag-eenroll sa mga paaralan sa buong bansa bilang dagdag na patunay ng mga hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

“Nabahala lang ako kasi if you look at the graph on the enrollment, we went from 22.6 million (enrollees) n’ung 2019 to 22.7 million (enrollees) in 2020. Just as the pandemic was easing in 2021 to 2022, 24 million students (enrolled). But in 2023 it started going down drastically, 23.2 million na lang ang nag-enroll,” sabi ni Cayetano, batay sa pambansang datos ng Education Management Information System Division (EMISD) ng DepEd.

Ayon sa senador, nagpatuloy ang pagbaba ng bilang ng mga nag-eenroll sa mga sumunod na taon matapos ang pandemya.

“In 2024 to 2025, 22.5 million na lang ang nag-enroll. Then in 2025-2026, 22.1 million. Parang pababa ng pababa y’ung enrollment,” sabi niya.

Hinimok ni Cayetano ang DepEd na tukuyin kung aling mga lugar at programa ang higit na nangangailangan ng pondo. Hiniling din niya sa kagawaran na magpatupad ng mga praktikal at targeted na hakbang na makakatulong upang mapabut iang kalidad ng edukasyon sa kabila ng limitadong pondo.

“Secretary Sonny, what we can do to help is to look for the P51 billion (additional budget for the agency). But you have to help us, where is it most needed?” tanong niya sa kalihim ng edukasyon.

“Let me leave this challenge to all of us… How do we drastically improve our education system given the limited funds? What are those best ideas? I hope it will come out here in the Senate,” aniya. Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here