MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang naging batayan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpili ng mga bahagi ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na kanilang pinaniwalaan at inimbestigahan.
Sa ikawalong araw ng impeachment trial ni VP Sara nitong July 21, 2026, tinanong ni Cayetano si NBI Director Melvin Matibag kung paano nila napagdesisyunan na tutukan ang umano’y banta laban sa Pangulo ngunit hindi ang iba pang pahayag ng Vice President.
Ipinaliwanag ni Cayetano na sa parehong video na ipiniresenta noong paglilitis, sinabi rin ni VP Sara na may banta laban sa kanyang buhay at nagbanggit din siya ng malawakang korapsyon sa gobyerno.
“Simple question: paano ang naging process kung anong parts ng video at ng statement niya ang paniniwalaan mo or ng task force?… Ano ang process niyo kung anong parts ng video ang paniniwalaan niyo at hindi?” diretsahang tinanong ni Cayetano kay Matibag.
Sagot ni Matibag, nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa bahagi ng pahayag na nagsasabing nag-utos umano si VP Sara ng pagpatay sa tatlong opisyal at pagbibigay diin na ito ay “no joke” o hindi isang biro.
Ayon sa NBI chief, nakita nila rito ang posibleng paglabag sa batas at usaping may kinalaman sa national security.
Hindi naman nakuntento si Cayetano at muling iginiit ang kanyang tanong.
“If you’re gonna believe that she contracted or may kausap siya at papapatay y’ung tatlo, will you not believe the previous [statement] nung sinabi niyang ‘kung ako naman ang papatayin?’”
Nang ipaliwanag ni Matibag na ang pahayag na “kung papatayin ako” ay tiningnan lamang nilang bahagi ng konteksto ng umano’y pagbabanta, muling nagtanong si Cayetano.
“Pero ang question ko, paano y’ung proseso niyo or y’ung naging thinking niyo na itong ipapapatay y’ung Presidente [ay] pinaniniwalaan [niyo,] pero itong siya ang papatayin [siya ay] hindi [niyo] paniniwalaan, at itong graft and corruption [ay] hindi rin [niyo] paniniwalaan. What’s the process there?”
Iginiit ni Matibag na ang kanilang naging batayan ay ang posibleng kasong grave threats at ang epekto nito sa national security.
Bago matapos ang kanyang pagkakataong magtanong, nilinaw ni Cayetano na hindi niya kinokontra ang sagot ng testigo kundi nais lamang niyang maunawaan ang naging batayan ng NBI.
“OK, I won’t argue with you. Iyan y’ung proseso niyo, ” sabi ni Cayetano. Ernie Reyes