Home NATIONWIDE CCG nagpapatrolya sa WPS

CCG nagpapatrolya sa WPS

MANILA, Philippines- Nagpapatrolya ang barko ng China Coast Guard (CCG) sa karagatan ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea kung saan tanaw ang military vessel na nakasadsad doon at nagsagawa ng blocking at ilang mga pagsasanay.

Kamakailan lamang ay nagkagiriian ang CCG at mga tauhan ng Philippine naval vessel malapit sa Ayungin Shoal matapos harangin ng Tsina ang mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas.

Sa ibinahaging video ng Armed Forces of the Philippines, makikita na ang mga CCG ay naglabas ng mga armas at bolo habang patuloy na itinataboy ang Philippine naval vessel sakay ang mga sundalo.

Sa nasabing insidente, tinangka ng pwersa ng sundalo na magsagawa ng resupply mission sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre nang harangin sila ng CCG.

Sinabi ni Philippine Military Chief General Romeo Brawner na ang kaunting bilang ng Filipino crew ay hindi armado at lumaban nang walang hawak na anumang armas.

Isang sundalo ang naputulan ng isang daliri.

Kinumpiska at sinira rin ng CCG ang mga kagamitan ng mga sundalo kabilang ang kanilang baril.

Maging ang rigid hull ng Philippine military ay binutas din ng crew ng CCG habang sumisigaw at iwinawagayway ang kanilang patalim. Gumamit din sila ng mahabang stick upang tamaan ang isang inflatable boat.

Sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Lin Jian na sinubukan ng sasakyang-pandagat ng Pilipinas sa magpuslit ng building materials at ng military equipment.

Iginiit ni China na kumilos nang propesyonal ang mga sundalo nito at sinabing walang direktang hakbang ang ginawa laban sa mga tauhan ng Pilipinas.

Inakusahan ng Pilipinas ang China ng “act of piracy” laban sa mga pwersa nito.

Hiniling din na ibalik ng panig ng China ang mga ninakaw na gamit kabilang ang pitong baril at reparasyon para sa mga nasirang kagamitan.

Sinabi naman ng Estados Unidos na sa isang armadong pag-atake laban sa pampublikong sasakyang pandagat, aircraft, armed forces at coast guard saanman sa South China Sea ay mangangailangang ipagtanggol ang Manila bilang isang kaalyado sa kasunduan. Jocelyn Tabangcura-Domenden