CEBU, Philippines – Nilinaw ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) na search-and-rescue operation pa rin ang isinasagawa sa gumuhong Binaliw landfill, at hindi pa opisyal na retrieval o recovery operation.
Ayon kay Councilor Dave Tumulak, pinuno ng CCDRRMC, hindi pa isinasantabi ng lungsod ang posibilidad na may mahanap pang buhay, kaya hindi dapat gamitin ang terminong “retrieval operations,” taliwas sa pahayag ng Prime Waste Solutions (PWS) Cebu noong Enero 14.
“Hindi pa namin puwedeng sabihing retrieval. Hindi iyon magiging patas sa mga pamilya,” ani Tumulak, na iginiit na hangga’t may pag-asa, tuloy ang search and rescue.
Sinabi rin ni Tumulak na patuloy ang operasyon dahil hindi pa tiyak ang eksaktong bilang ng mga apektadong manggagawa. Bagama’t mabagal ang progreso, binigyang-diin niyang kaligtasan ng mga rescuer ang pangunahing konsiderasyon dahil sa delikadong kondisyon—hindi matatag na debris, halo-halong basura, metal, at masangsang na amoy.
Isinasagawa na ngayon ang operasyon 24/7, hinati sa apat na quadrants, at may mahigpit na protocol kapag gumagamit ng heavy equipment tulad ng crane. Ayon kay Tumulak, ang unti-unting pagtanggal ng debris ay maaaring magbunga ng mas maraming marekober sa mga susunod na araw.
Samantala, nagsumite ang PWS Cebu ng kumpletong listahan ng mga manggagawa na nasa site noong insidente at humiling na huwag ilantad sa publiko ang mga pangalan ng biktima dahil sa data privacy, na igagalang naman ng lungsod.
Nanatiling suspendido ang operasyon ng landfill at sumusunod ang PWS sa cease-and-desist order ng DENR. Ayon sa kumpanya, nagbigay na ito ng tulong-pinansyal, serbisyong medikal at psychosocial, at sinagot ang gastos sa burol at libing.
Sa kabila nito, mariing giit ng mga opisyal ng lungsod: “Search and rescue pa rin tayo. Hangga’t may pag-asa, magpapatuloy,” ani Tumulak. RNT/MND