MANILA, Philippines – “Why not suggest closing the entire embassy?”
Ito ang patutsada ng Chinese Embassy in Manila kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos imungkahi ng mambabatas na pag-aralan ng pamahalaan ang pagpapaalis sa ilang mas mababang ranggong Chinese diplomats sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Ridon na maaaring ikonsidera ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaalis sa lower-ranking diplomats kung hindi ide-deport o ipapa-recall si Chinese Ambassador Jing Quan.
“Kung hindi po papaalisin ’yung embahador, ’yung mga lesser diplomats na lang po ’yung palayasin,” ani Ridon.
Kasunod nito, sumagot ang Chinese Embassy sa social media: “Why not suggest closing the entire embassy?”
Nag-ugat ang lumalalang palitan ng pahayag sa kontrobersyal na sinabi ni Jing na madaling mananalo ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t sinabi rin niyang pinipili ng Beijing ang kapayapaan.
Dahil dito, ipinatawag ng DFA si Jing noong Oktubre 19 upang ipahayag ang “serious concern and strong objection” ng pamahalaan.
Ayon sa DFA, “provocative and unacceptable” ang naturang pahayag at hindi ito nakatutulong sa pagpapababa ng tensyon sa relasyon ng Pilipinas at China.
Binigyang-diin din ng ahensya na hindi tungkulin ng isang foreign mission na publiko nitong batikusin o tuyain ang mga opisyal at mambabatas ng Pilipinas na gumaganap sa kanilang mandato.
Hindi ito ang unang matapang na tugon ng Chinese Embassy sa mga mambabatas.
Nauna nitong hinamon ang mga senador at kongresista na ituloy ang panukalang ideklarang persona non grata si Jing sa halip na umano’y “mag-bluff.”
“But anyway, just do it. Otherwise, STOP BLUFFING,” pahayag ng embahada noong Oktubre 17.
Binatikos din ng embahada nitong Miyerkules ang pahayag ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na nanawagan kay Marcos na pauwiin si Jing, at tinawag itong “thuggish, hooligan-style language.”
Samantala, naghain na rin ng mga resolusyon sa Senado upang ideklarang persona non grata ang Chinese ambassador kasunod ng kanyang mga pahayag kaugnay ng West Philippine Sea.
Patuloy namang naninindigan ang DFA na dapat idaan sa umiiral na diplomatic channels at bilateral mechanisms ang sensitibong usapin sa pagitan ng Pilipinas at China habang pinangangalagaan ang posisyon at interes ng bansa. RNT