MANILA, Philippines – Pupuksain ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang text blaster machines na ginagamit tuwing eleksyon na ngayon ay ibinibenta na sa murang halaga.
Nitong Lunes, Setyembre 4, ipinaliwanag ni DICT Undersecretary Alex Ramos na karaniwang ikinokonekta sa computer o laptop ang mga text blast machine para makapagpadala ng random text messages sa iba’t ibang numero.
“Natural kapag may sumagot, automatic captured nila ‘yun. Bubugbugin nila ng messages ‘yun. Pero kapag hindi nagre-responde, hindi naman nila sinasagutan,” aniya.
Sinabi pa ni Ramos na nakakumpiska ang mga awtoridad ng text blast machines na gawa mula sa China.
“Kung maalala ninyo, nauso ito during campaign period. Ngayon, ito’y parang napakamura na. Nakabili kami ng napakamurang text blaster na made in China. Ang dami ho naming nahuling ganito,” dagdag pa ng opisyal.
Kahit tapos na ang deadline sa mandatory SIM registration, sinabi ni Ramos na patuloy pa ring tumitingin ng iba pang paraan ang DICT partikular na ang computer-based transmissions, na ginagamit ng mga sindikato sa text scams.
Kung babalikan, ipinasa ang SIM Registration Act upang mahinto na ang mga krimeng ginagawa gamit ang naturang plataporma, katulad ng text at online scam, sa pamamagitan ng regulasyon sa paggamit at pagbebenta ng SIMs sa pamamagitan ng pagpaparehistro nito. RNT/JGC