Home NATIONWIDE Chinese drone, namataan sa WPS; barko ng Pinas ni-radio challenge ng CCG

Chinese drone, namataan sa WPS; barko ng Pinas ni-radio challenge ng CCG

MANILA, Philippines – NAISPATAN ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang drone na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng China Coast Guard (CCG) na nagsasagawa ng surveillance sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS), malapit sa Secam Island sa lalawigan ng Palawan.

Ayon sa PCG, kasunod ng pagkakakita sa drone ay agad ding nagpadala ng radio challenge ang mga barko ng CCG—partikular ang CCG vessels 5101 at 5103—sa BRP Cape Engaño (MRRV-4411) ng Pilipinas habang ito’y nasa layong 52.8 nautical miles mula sa Secam Island.

Nagbabala ang China Coast Guard sa barko ng Pilipinas na umano’y pumasok ito sa teritoryong saklaw ng People’s Republic of China at inutusan itong umalis sa lugar.

Mariing tinutulan ito ng BRP Cape Engaño, giit ng PCG ay lehitimo at legal ang kanilang presensya sa lugar, alinsunod sa international law.

“We are proceeding according to our planned route. Request to stay clear from our passage,” ayon sa radio transmission ng BRP Cape Engaño.

Naganap ang insidente sa bahagi ng Hasa-Hasa Shoal, kilala rin bilang Half Moon Shoal, na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Bilang bahagi ng marine livelihood support sa mga mangingisdang Pilipino, nagtayo kamakailan ng payao o fish aggregating devices ang PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Hasa-Hasa Shoal at Kanduli Shoal. Layunin nitong palakasin ang huli ng isda at mapatatag ang presensya ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.

Patuloy ang maritime patrol ng PCG sa mga lugar ng WPS sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden