SA hanay ng mga pribadong ospital sa Pilipinas, alin kaya ang may social responsibility na talagang ramdam na ramdam ng mga pasyente na itinatakbo at ikino-confine sa kanila?
Tinatanong natin ito dahil may personal tayong karanasan sa isang pribadong ospital na roon na-confine ang taong pinakamalapit sa ating puso at kaluluwa.
Tinutukoy natin ang Chinese General Hospital and Medical Center o Chinese Gen na matatagpuan sa Blumentritt, Sta. Cruz, Manila.
Siyam araw na-confine ang ating pasyente at halos walang pahinga ang mga doktor, nurse, nursing student, social worker, food supplier, tagalinis at iba pa sa pag-asikaso.
Tinitiyak ng buong ospital na hangga’t makayanan nila, buhay kang uuwi at magaling na o muling maging malusog sa mga darating na araw.
At ang mahalagang-mahalaga, nakaaabot sa kaalaman ng pamunuan ng Chinese Gen, gaya ni PCEO Kelly Sia, katuwang si Bb. Malou Estacio at iba pa, ang kalagayan maging ang maliliit at mahihirap na pasyente na ginagamot sa ospital.
Napakahalaga ring malaman na aktibo at tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng Chinese Gen ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon at indibidwal at pagtatatag ng mga kasunduan bilang social responsibility nito para sa pagtutulungan tungo sa abot-kayang bayarin sa first class na serbisyo.
Kasama sa mga organisasyong inugnayan mismo ng Chinese Gen ang National Press Club of the Philippines o NPC na dito miyembro ang naging pasyente na ngayo’y nakauwi at nagpapagaling na at ramdam na ramdam ang bunga o biyaya ng nasabing kasunduan.
Kaya naman, gayon na lang ang kumpiyansa ni dating NPC President at ngayo’y Vice President Benny Antiporda at ni Doctor Hilda Ong na itakbo sa Chinese Gen ang nagkakasakit o nadidisgrasya na may malalang kalagayan.
Saludo naman tayo sa walang kapagurang panggagamot at pag-aalaga nina Docs Alvin Odquin dela Cruz, Carter Santos Rabo at Ma. Arlene Lee Ledesma.






