MANILA, Philippines – Inoobserbahan ngayon sa pagamutan ang isang lalaking Chinese national matapos barilin ng kapwa Chinese sa loob ng isang casino sa Ongpin Street sa Binondo, Maynila Martes ng madaling araw, Hunyo 17.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Guihua I Fan, 56, at nanunuluyan sa 208 Sevilla Street, Caloocan City.
Pinaghahanap naman ang suspek na nakilala lamang bilang Mr. Lee, may taas na 5’9 at nakasuot ng itim na longs sleeve.
Sa pahayag ng ilang testigo, pumasok ang biktima sa Prime Luck Casino na matatagpuan sa Sabino Padilla Street kanto ng Ongpin Street sa Binondo, Manila.
Sa imbestigasyon, pagpasok ng biktima sa casino ay nilapitan ang suspek at bigla nitong sinampal.
Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa magpambuno at binunot ng suspek ang kanyang baril saka ipinutok sa tiyan ng biktima.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) sa krimen kung saan inabutan ang duguang biktima na nakahandusay.
Mabilis na isinugod sa Metropolitan Hospital ang bikimang mga tauhan ng TRMU para malapatan ng agarang lunas. Jocelyn Tabangcura-Domenden