MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Hulyo 21, ang pagkakaaresto sa isang Chinese national na inakusahan ng pagpatay sa isang indibidwal sa Makati noong 2024.
Ayon kay PNP chief Police General Nicolas Torre, ito ay naaresto noong Hulyo 19 sa Tawi-Tawi matapos bumalik sa Pilipinas.
“Ayon sa ating intelligence, natanggap natin na siya ay babalik sa bansa sa pamamagitan ng southern backdoor, ang ruta na pinaghihinalaan natin na ginamit niya sa pag takas,” sinabi ni Torre sa media briefing.
Aniya, nag-isyu ang Makati Regional Trial Court Branch 59 ng arrest warrant laban sa suspek.
Ani Torre, ang Chinese national ay sinampahan din ng reklamo na pagdukot sa isang Chinese acupuncturist sa 2022 sa Manila.
Sa kabila nito ay naibasura ang naturang kaso.
“Hindi ligtas ang Pilipinas sa mga kriminal na nagtatago rito o gumagawa ng krimen at tatakas papunta sa ibang bansa. Hindi tayo magpapabaya at hindi natin kinokonsinte ang mga sindikatong ito na nang bibiktima ng mga banyaga at nag sasagawa ng krimen dito man o sa ibang bansa.” RNT/JGC