MANILA, Philippines – Isang Chinese national ang natagpuang patay sa loob ng kanyang tinitirhang bahay sa Barangay Aguado, Trece Martires City.
Ayon sa nakalap na report mula sa pulisya, kinilala ang nasawi na si alyas “Zang,” Chinese national na kasalukuyang nakatira sa Blk 7 Lot 15 Phase 2B,sa nasabing barangay.
Sa ulat, bandang alas-7:45 ng umaga nang gisingin ito ng kanyang live-in partner upang mag-almusal bago pumasok sa trabaho.
Dito na nabigla ang babae nang madiskubre nito na wala nang buhay ang biktima na noo’y nasa loob ng kanilang kwarto.
Kaagad na humingi ng tulong sa barangay tanod ang live-in ng biktima.
Batay sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, wala umanong nakitang senyales ng gulo sa loob ng bahay at nandoon pa rin ang mga personal na gamit ng biktima.
Nang suriin naman ang bangkay sa funeral home, wala ring nakitang anumang sugat, pasa o palatandaan ng pananakit sa katawan ng dayuhan.
Lumalabas din sa imbestigasyon na madalas uminom ng alak ang biktima bago ang insidente.
Posibleng may iniindang karamadaman ang biktima na naging sanhi ng ikinamatay nito na lingid sa kaalaman ng live-in partner nito.
Isinailalim pa rin sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng dayuhan.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Chinese Embassy upang maipaalam sa pamilya ang pagkamatay nito. MARGIE BAUTISTA