Home NATIONWIDE Chinese national timbog sa sinalakay na internet cafe ng NBI sa Parañaque

Chinese national timbog sa sinalakay na internet cafe ng NBI sa Parañaque

273
0

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang isang internet café kung saan nahuli sa akto ang isang Chinese national na sumisinghot ng shabu habang nasa harap ng computer sa Parañaque City Miyerkules ng gabi, Nobyembre 19.

Sa inisyal na report ni NBI-NCR Chief Edwin Rojas ay kinilala ang nadakip na suspek na si alyas Hu, nasa hustong taong gulang, at residente ng 2362 Tramo corner Inocencio St., Pasay City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni NBI-NCR Senior Agent Mark Genesis Caceres, naganap ang pagsalakay ng mga miyembro ng nabanggit na ahensya bandang alas-9:00 ng gabi sa isang internet café na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Monarch Parksuites, panulukan ng Diokno Avenue at Bradco Avenue, Aseana Business Park, Barangay Tambo, Parañaque City.

Ayon kay Rojas, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen na nagpadala ng video footage kung saan makikita ang isa pang Chinese national na sumisinghot ng shabu mismo sa loob ng internet café habang nagko-computer.

Dagdag pa ng source na talamak ang ginagawang pagsinghot ng shabu sa naturang establisimiyento ng mga Chinese national sa lugar habang may ginagawa ang mga ito sa harap ng computer.

Sinabi ni Rojas na matapos nilang matanggap ang impormasyon mula sa nabanggit na concerned citizen ay agad silang nagkasa ng operasyon na nagdulot ng pagkakadakip ng suspek na nahuli sa aktong sumisinghot ng shabu.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang improvised glass water pipe na may residue ng hinihinalang shabu habang nahaharap naman ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here