MANILA, Philippines- Patay sa pamamaril ng isang Chinese ang kababayan nito sa loob ng isang hotpot restaurant sa Makati City.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, kasama ng 29-anyos na biktima ang ilang indibidwal na makikita sa CCTV footage. Biglang tumayo ang isa niyang kasamahan at binaril siya nang apat na beses na tumama sa kanyang kamay, braso, at dibdib.
Dinala ang biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival. Magsasagawa naman ng autopsy.
Base sa mga awtoridad, nag-uusap ang biktima at suspek hinggil sa negosyo.
“There was a misunderstanding between the two. The suspect got annoyed with the victim, whom he first met on Telegram to discuss about corn and rice supplies….We are looking at the angle that this could be business-related or due to love triangle,” ani Makati City Police Public Information Office chief Police Captain Jenibeth Artista.
Narekober mula sa crime scene ang walong bullet cases, dalawang metal jackets at limang bala.
Iniimbestigahan na ng mga pulis kung ang pamamaril ay pinagplanuhan ng hindi pa natutukoy na suspek.
Sinabi ng Makati City Police na gumugulong ang manhunt operation sa Chinese suspect.
Nakikipag-ugnayan din ang mga pulis sa Land Transportation Office upang matunton ang may-ari ng sasakyan na ginamit ng suspek sa pagtakas. RNT/SA