Home METRO Chlorine na isinaboy sa pool, sumabog!

Chlorine na isinaboy sa pool, sumabog!

236
0

CEBU, Philippines – 19 residente sa Talisay City, Cebu ang naospital nang makalanghap ng usok matapos ang pagsabog sa isang pool na sinabuyan ng chlorine ng maintenance staff sa isang resort.

Sa CCTV ng resort, makikita ang pagkalat ng tila dilaw na usok habang tumatakbo palayo ang staff sa pagsabog.

Nagkaroon pa ng isang pagsabog, hanggang sa tila umuusok na din ang isang parte ng pool.

Matapos nito, kumalat ang usok at nalanghap ng mga residenteng nakatira malapit sa resort. 19 residente ang naospital matapos makaranas ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng mata at hirap sa paghinga.

Samantala, nagtamo ang mismong maintenance staff ng paso sa mukha at katawan.

Batay sa imbestigasyon, natuklasan ng mga awtoridad na ang isinaboy na chlorine ay aksidenteng sa muriatic acid naihalo.

“Dito nagmi-mix sa muriatic, kaunti lang. Ang laman nito, muriatic. Pero ang muriatic, chlorine, tawas, pinaghihiwalay ‘yan. Hindi pinagsasama. Paisa-isang ilalagay diyan. Kung bakit sumabog, baka nahalo niya,” sabi ni Lita Diaz, caretaker ng resort.

Pansamantalang ipinatigil ng LGU Talisay ang operasyon ng resort at ini-utos ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Ayon naman sa resort, handa silang sumunod sa utos ng LGU, at makikipagtulungan din sila sa imbestigasyon.

Nangako naman ang may-ari ng resort na si Roy Alcoseba na sasagutin ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga apektado ng chemical leak.

Samantala, dahil sa nangyaring insidente, nagsagawa ang Talisay City Government ng isang task force upang ma-monitor ang mga aktibidad ng mga resort sa lungsod.

Ayon kay Talisay City Mayor Gerald Anthony “Samsam” Gullas ang task force ay kinabibilangan ng kinatawan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Business Permit and Licensing Office (BPLO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at iba pang kinauukulang ahensya.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Maila Maramag, hepe ng Talisay City Police Station, na ang task force ay makakapaglabas ng mga regulasyon at alituntunin upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.

Sa ngayon, tanging ang staff na lamang ng resort ang nananatiling naka-confine sa ospital matapos magtamo ng second-degree burn sa kanyang mukha at leeg. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here