MANILA, Philippines – Nakatakdang magpulong ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Discord ngayong Huwebes, Setyembre 24, 2026, matapos ipagbawal sa bansa ang messaging at media-sharing platform.
Kinumpirma ni CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso na kasalukuyang banned sa Pilipinas ang Discord.
Ayon sa CICC, hindi nito pinalawig ang 24-oras na deadline na ibinigay sa Discord upang magtatag ng Philippine presence, habang hinihintay ang direktang pag-uusap at konkretong commitment ng platform sa mga requirement ng ahensya.
“Discord separately reached out to the CICC in a letter to express its willingness to engage with the agency on its existing teen safety measures,” pahayag ng CICC.
Sinabi ni Paraiso na nakatakda ang kanilang pagpupulong ng Discord ngayong tanghali.
Noong Martes, binigyan ng CICC ng 24 oras ang Discord at Reddit para magtatag ng presensya sa Pilipinas upang mapalakas ang koordinasyon sa gobyerno matapos ang shooting sa Banga National High School sa South Cotabato. Nilinaw kalaunan ng CICC na Reddit lamang ang nabigyan ng extension.
Samantala, sinabi ng Discord na ang kanilang bagong Global Teen Experience ay naglalayong ilagay ang mga teenager sa age-appropriate spaces. Ang mga user na hindi matukoy ang age group ay maaaring hingan ng age confirmation gamit ang facial age estimation, na ayon sa Discord ay hindi ise-save ang biometric data.
Ang shooting sa South Cotabato ang ikatlong insidente ng school shooting sa bansa ngayong 2026. RNT/MDS